2 health workers, kabilang sa 6 bagong kaso ng COVID-19 sa Eastern Visayas

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 09:53 PM

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa Eastern Visayas nitong Lunes ang karagdagang anim na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong rehiyon.

Ang resultang ito ay mula sa 132 samples na ipinadala sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu.

Ang anim na positibong kaso ay lahat residente ng Tarangnan, Samar.

Apat sa mga bagong kaso ay close contact ni Patient EV-6 na nauna nang nagpositibo at nailipat sa COVID referral hospital.

Ang natitirang dalawang bagong kaso, sina patient EV-12 at patient EV-13, ay mga kasamahan sa trabaho ni Patient EV-6 at parehong health workers sa community hospital.

Dahil dito, masasabi ng DOH na mayroon nang community transmission sa bayan ng Tarangnan.

Kasabay nito, nagdeklara na ng total lockdown si Mayor Arnel Tan ng Tarangnan, Samar.

Sa kabuuan, mayroon nang 13 kaso ng COVID-19 sa Eastern Visayas, kung saan 10 rito ay mula sa Tarangnan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.