Rider patay nang mabangga ng truck matapos sumemplang ang motorsiklo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2019 03:48 PM | Updated as of Apr 27 2019 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang lalaki nang pumailalim sa trailer truck matapos sumemplang ang kaniyang motorsiklo sa Maynila, Biyernes ng gabi. 

Nakilala ang rider na si Patrick John Cabiles, isa umanong teacher.

Ayon sa ulat, nagpalit ng lane ang isang trailer truck sa northbound na bahagi ng Road 10 sa may Katuparan Street sa Tondo bago mag-alas-7 ng gabi ng Biyernes. Nasa kanan naman nito ang ilang bumibiyaheng motorsiklo. 

Pero sumemplang malapit sa sidewalk ang motorsiklo ni Cabiles at pumailalim pa siya sa truck.

Aminado ang driver ng truck na hindi na niya nakita ang motorsiklo. 

“Nandoon siya sa bandang kanan eh, blind spot. Napahinto na lang ako noong sumigaw ang mga tao. Humihingi rin ako ng patawad, paumanhin dahil wala namang may gusto sa nangyari,” sabi ng truck driver na si Richard Valera. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng iniwasan ng nagmomotorsiklo ang bako-bakong bahagi ng daan at nawalan ng kontrol nang madulas sa buhangin. 
 
Wala rin umanong suot na helmet si Cabiles.
 
“Huwag tayong basta-bastang didikit sa mga truck kasi nga pag magkaroon ng aksidente at ma-lose control tayo, ‘di natin maiiwasan na ma-hit tayo ng ibang sasakyan,” paalala naman ni Police Capt. Jaime Gonzales Jr.

Sa pagtataya ng barangay, 10 beses nang may naitalang banggaan sa bahagi ng Road 10 dahil sa mga hukay doon. 

Panawagan din ng barangay sa local government unit at Department of Public Works and Highways na ayusin ang mga lubak para mabawasan ang mga aberya sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.