PatrolPH

Comelec handa sakaling lumindol sa halalan

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2019 04:07 PM | Updated as of Apr 27 2019 08:47 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nakikipag-ugnayan na ang Commission on Elections (Comelec) sa iba't ibang ahensiya upang masiguro ang kaligtasan ng mga botante sakaling magkaroon ng lindol sa araw ng halalan.

Sa panayam kay Comelec spokesperson James Jimenez sa DZMM #HandaNaBaKayo Halalan 2019 Forum nitong Sabado, sinabi niya na handa sila sakaling magkaroon ng sakuna sa Mayo 13.

"Paano kung election day mismo nagkaroon ng malakas ng lindol? Tinutulungan tayo ng partners gaya ng Department of Health na magtalaga ng tulong center sa polling center," sabi ni Jimenez. 

Nag-ugat ang pangamba matapos ang serye ng mga lindol sa Luzon, Visayas, at Mindanao nitong linggo. 

Maaalalang noong Lunes ay niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang Metro Manila at mga kalapit na probinsiya. Naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos, Zambales, habang malala ang tama sa Pampanga. 

Nitong Martes naman ay tinamaan ng 6.5-magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Visayas na nakasentro sa San Julian, Eastern Samar. At nitong Miyerkoles, nakapagtala ng dalawang mahinang lindol sa Davao Oriental at Davao Occidental. 

Pero paniguro ni Jimenez, full-force ang mga sundalo, pulis, at iba pang grupo kung magkaroon man ng hindi kanais-nais na pangyayari tulad ng lindol. 

Sabi din ng Department of Education, nasa "mabuting kondisyon" ang lahat ng kanilang paaralan base sa isinagawang paunang assessment matapos ang serye ng lindol.

—May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.