PatrolPH

2 bayan sa Pangasinan nagpositibo sa red tide

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2019 04:37 PM

Kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na dalawang bayan sa Pangasinan ang positibo sa red tide toxins.

Ayon kay BFAR Regional Director Lilibeth Signey, may red tide toxins ngayon ang mga bayan ng Bolinao at Anda base na rin sa kanilang isinagawang sampling at monitoring sa mga coastal area sa Western Pangasinan.

Hindi naman nakasama ang Wawa River dahil bagama’t kabilang ito sa kanilang monitoring site, nag-negatibo ito sa red tide toxins, sabi ni Signey.

Ang red tide ay isang phenomenon kung saan nagbabago ang kondisyon ng tubig sa dagat o ilog sanhi ng pagdami ng organismong tinatawag na dinoflagellates na kinakain naman ng mga shellfish tulad ng talaba at tahong.

Ayon sa ahensiya, nakaaapekto ang init ng panahon sa pagdami ng organismo o algal bloom. Isa ring dahilan ang pagkakaroon ng maruming kalidad at mababang lebel ng tubig na hindi napapalitan.

Abiso naman ng BFAR sa publiko na bawal ang magtinda, bumili, kumain at mag-angkat ng anumang uri ng shellfish na mula sa mga nasabing bayan.

Maari kasing malason ang sinumang kakain nito. Maari namang makulong ang sinumang lumabag sa pagbabawal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.