SAPUL SA CCTV: Lalaki, 2 beses pinagbabaril ng riding-in-tandem

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 10:35 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bandang alas-8:35 nitong Miyerkoles ng gabi, makikitang may kausap ang isang lalaki sa labas ng kaniyang bahay sa Sarmiento Street, Barangay Sta. Monica sa Novaliches.

Isang minuto makalipas na ibaba ni Rufy Leo Quintana, 49-anyos, ang telepono, dumaan ang isang motorsiklo saka pinagbabaril ng angkas nito ang lalaki na agad bumagsak sa kalsada.

Habang nakahandusay ang biktima, dumaan naman ang pangalawang motorsiklo at paulit-ulit pa itong binaril. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang walang suot na helmet ang parehong driver ng motorsiklo ngunit tago ang mukha ng angkas nilang namaril dahil nakasuot sila ng helmet.

Kuwento ng mga residente, nakarinig sila ng 5 hanggang 6 na putok ng baril.

Ayon sa mga ito, daanan talaga ng mga motorsiklo ang pinangyarihan ng krimen kaya't hindi sila agad nagduda sa itsura ng dalawang riding-in-tandem.

Ikinagulat ng mga residente ang nangyaring pamamaril sa kanilang lugar, lalo't mabait umano si Quintana at wala silang alam na kaaway nito.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, ang CCTV ang magiging malaking tulong nila sa pangyayari.

Inaalam ngayon ang mga puwedeng pinagmulan at pinaglusutan ng mga suspek.