Rally vs 'endo,' sasabay sa May 1 job fair na may 100,000 trabaho

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 10:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit 100,000 na trabaho ang iaalok ng pamahalaan sa darating na nationwide job fair sa Labor Day, Mayo 1. Samantala, magkakaisa ang iba't ibang labor groups para mag-rally at igiit ang katapusan ng kontraktuwalisasyon. 

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 143,085 na posisyon ang maaaring aplayan ng mga nais magtrabaho. Sa mga posisyong ito, 58,171 ay local employment habang 84,914 naman ang overseas.

Sa local employment, pinakamarami ang hinahanap na sundalo at pulis, machine operators, mason, customer service representatives, at construction workers.

Para sa ibang bansa, nangunguna ang mga trabahong nurse, technician, construction worker, food and beverage staff, waiter, at waitress.

Magaganap ang main job fair sa Quezon City Hall, habang mayroon din sa ibang rehiyon. 

Ayon pa sa DOLE, maglalabas din ng importanteng anunsiyo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngunit hindi nila masabi kung patungkol ito sa naudlot na executive order (EO) na magpapatigil sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa.

Labor groups, magkakaisa sa rally

Samantala, magsasagawa ng malakihang rally sa Labor Day ang mga magkakahiwalay na labor group dahil sa naantalang EO ni Duterte.

Makakasama na ng mga grupong Nagkaisa at Kilusang Mayo Uno ang iba pang mga labor group sa kinakasang rally sa Mendiola.

"Sawang-sawa na ang mga manggagawa sa puro pangakong napapako," sabi ni Atty. General Du ng Labor Alliance of Free Workers Union.

Tatlumpung taon na umanong hindi nagsasama-sama ang mga organisasyon dahil sa pagkakaiba-iba ng paniniwala.

Bukod sa isyu ng kontraktuwalisasyon, ipapanawagan din ng mga grupo ang mas mataas na sahod at pagbaba ng presyo ng mga serbisyo at bilihin.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.