Nanay arestado dahil sa paggamit ng anak sa cybersex

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 06:50 PM

BUTUAN CITY- Arestado ang isang nanay matapos mahuling ginagamit ang kaniyang menor de edad na anak para sa cybersex.

Naaktuhan ng mga awtoridad ang isang nanay noong Huwebes na kinukunan ng video sa cellphone ang kaniyang anak na babae para sa isang live show.

Ayon sa pulisya, ikinasa nila ang operasyon matapos makatanggap ng 
tip mula sa National Crime Agency sa United Kingdom na may nag-aalok ng malalaswang video at retrato na nanggagaling sa Pilipinas.

Nasagip rin ng mga awtoridad ang anim na anak pa ng suspek kabilang ang 3-taong-gulang na bata na posible umanong nagamit na rin para sa ilegal na gawain.

Lumalabas sa imbestigasyon na nasa P5,000 hanggang P15,000 umano ang ibinabayad kada live show.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang ginamit na cellphone at pocket wifi ng suspek.

Tumanggi naman na magbigay ng pahayag ang suspek na haharap sa kasong paglabag sa mga batas kontra human trafficking, Anti-Child Pornography Act of 2009 at pang-aabuso ng mga bata.

Samantala, nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na bata para isailalim sa pagpapayo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.