Mapayapang halalan, sumpa ng mga kandidato sa North Cotabato

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 06:45 PM

Nanumpa ang may 1,000 kandidatong tatakbo sa barangay at Sangguniang Kabataan election sa ginanap na Candidates Forum sa Pigkawayan, North Cotabato. 

PIGCAWAYAN, North Cotabato – Tinipon ng Commission on Elections nitong Biyernes ang higit sa 1,000 kandidato sa bayan para sa Candidates Forum.

Sa naturang forum, pinaalahanan ang lahat ng kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan kung ano ang mga ipinagbabawal gawin sa panahon ng eleksiyon, lalo na ngayong hindi pa nag-uumpisa ang pangangampanya.

Sabi ng Comelec, dapat iwasan ang vote buying at paglalagay ng campaign paraphernalia sa hindi common poster areas.

Iwasan din na masangkot sa anumang krimen o karahasan.

Pagkatapos ng Candidates Forum, nanumpa ang mga kandidato para sa isang mapayapa at malinis na halalan.

Mula sa 40 barangay sa bayan ng Libungan, 11 barangay ang tinukoy ng pulis at militar na kabilang sa election areas of concern dahil sa presensiya ng armado grupong at intense political rivalry.

Ito ang mga barangay ng Libungan Toreta, Patot, Upper at Lower Panangkalan, Matilak, Buricain, Datu Mantel, Datu Binasing, Balacayon, Cabpangi at Lower Baguer.

Ang counting at canvassing ng mga boto sa mga barangay na kabilang sa areas of concern ay irerekomenda na ilipat sa Barangay Poblacion para matiyak ang seguridad hanggang sa maiproklama ang mga nanalong kandidato.

Samantala, mula sa 547 na barangay sa buong lalawigan ng North Cotabato, 184 na barangay ang tinukoy ng PNP na kabilang sa areas of concern.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.