Magsasaka, patay nang matabunan ng gumuhong lupa

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 06:35 PM

Hindi na kinuha pa ang bangkay ni Requillo Samilano mula sa butas kung saan natabunan ito ng gumuhong lupa at bato sa Barangay Parauyan sa bayan ng Alamada sa North Cotabato. Photo courtesy of Alamada, North Cotabato Municipal Police Station

ALAMADA, North Cotabato – Masaklap ang sinapit ng isang 24-anyos na magsasaka matapos na matabunan ng gumuhong lupa at bato sa Barangay Paruayan, Miyerkoles ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Requillo Samilano.

Sa report na natanggap ng pulisya, napag-alamang Marso 27 nang maghukay ang tatlong indibwal sa bulubunduking bahagi ng Sitio Tinago dahil sa akalang mayroong ginto sa lugar.

Umabot na umano ang lalim ng hukay ng 40-talampakan nang biglang gumuho ang lupa at bato sa butas na hinuhukay ng mga ito. Nalibing ng buhay si Samilano habang nakaligtas naman ang dalawa pa niyang kasamang naghuhukay.

Mula sa police station sa Barangay Poblacion, kinailangan pang bumiyahe ng 17-kilometro sa sasakyan at maglakad ng isa’t kalahating oras bago marating ang bundok ng Sitio Tinago kung saan naghukay ang grupo ni Samilano.
 
Sinikap ng pulisya at mga residente sa lugar na makuha ang bangkay ni Samilano pero nahirapan sila. Inirekomenda nila na muling tabunan ng lupa at bato ang butas upang wala nang madisgrasya pa.

Ayon sa pulisya, nawa’y magsilbing aral sa lahat ang naganap na pagguho ng lupa na ikinasawi ni Samilano.

“Ang advise natin sa mga kababayan natin ay tigilan na ang pagnanasa na yumaman dahil sa treasure hunting…suntok sa buwan na makakuha ng ginto. Mag trabaho na lang tayo para sa kinabukasan ng ating pamilya,” payo ni Chief Inspector Jojet Nicolas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.