Lalaki, 'nalunod' sa imburnal na iniwang 'nakatiwangwang'

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 10:50 PM

Natagpuan ang bangkay ng isang lalaking hinihinalang nalunod sa imburnal na umano'y iniwang nakatiwangwang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Parañaque City nitong Huwebes ng umaga. 

Nagulantang ang mga residente ng Barangay San Dionisio nang makitang nakalutang ang katawan ng lalaki sa malaking imburnal sa Quirino Avenue. 

"Una ko pong nakita ang ulo niya, akala ko basketball, pero nu'ng nakita ko ang katawan kinabahan ako at nagsumbong ako sa lolo ko," kuwento ni alyas "Lester." 

Kinilala ang biktimang si Rodgie Moreno, na taga-Las Piñas na may partner at tatlong maliliit na anak. 
    
Napaiyak ang kinakasama niyang si Ruth Miralpes habang ikinukuwento ang naramdamang takot nang hindi umuwi si Rodgie mula sa trabaho Martes ng gabi. 

Ipina-blotter pa ni Miralpes sa kanilang barangay si Moreno kaya't nanlumo na lang siya nang mabalitaang natagpuan ang bangkay nito.

Kuwento naman ng residente ng lugar na si Rosalyn Garcia, noong nakaraang taon pa nakatiwangwang ang naturang imburnal na hinukay ng DPWH dahil sa ginagawang drainage system.

"November pa ginagawa iyan hanggang ngayon ganiyan pa rin...Baka nga raw lasing kaya nahulog diyan," ani Garcia. 

Giit naman ng DPWH na inako ang proyekto, siniguro nilang may concrete barricade at grills ang ginagawang imburnal kaya't palaisipan kung paano nahulog si Moreno. 

Iniimbestigahan na ng pulisya kung ano talaga ang nangyari sa biktima.

Sa ngayon, hinarangan na ang hukay matapos ang insidente. Patapos na rin daw ang proyekto sa Agosto.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.