Binatilyo, inireklamo ang 2 kapitbahay ng paulit-ulit na panggagahasa

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 09:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang pedicab drayber habang tinutugis naman ang kasabwat nitong parlorista matapos umano nilang paulit-ulit na gahasain ang isang 14 anyos na lalaking kapitbahay sa Parañaque City. 

Magkahalong galit at pagkabigla ang nararamdaman ng ina ng biktima matapos malamang pinagsamantalahan ng dalawang kapitbahay ang kaniyang binatilyong anak.

Kuwento ni alyas "Leni," isang araw ay nagreklamo na lang sa kaniya ang anak na si alyas "Bong" na sumasakit ang katawan kapag naglalakad at may dugong lumalabas sa kaniyang puwitan.

Doon na nalamang 10 buwan na daw paulit-ulit na minomolestiya ng mga lalaking kapitbahay si Bong.

"Hanggang April 24, paulit-ulit siyang inaano ng bakla at lalaki na parehas ko kapitbahay. 'Yung bakla daw sa umaga niya inaano ang anak ko, 'yung nahuling suspek naman sa gabi po, tuwing 10 p.m.," hinaing ni Leni.

Hindi raw kaagad nagsumbong ang bata sa ina sa takot na gantihan siya ng mga suspek.

"Tinatakot nila ang anak ko...Pinagbabantaan siya ng dalawa. Pag nagsumbong daw ang anak ko sa akin, may mangyayari sa amin ng mga kapatid at lola niya," ayon sa ina. 

Huwebes ng gabi ay humingi na ng tulong si Leni sa barangay at tiyempo namang may pulis sa lugar kaya agad naaresto ang 29 anyos na pedicab drayber na si Archiemedes Monreal.

Depensa ng suspek, napagbintangan lang siya.

"Walang katotohanan 'yon. 'Papaliwanag ko na lang sa korte. Nagalit po sa akin 'yan (Leni) kasi noong nakaraang mga linggo, pinagbibintangan akong nagturo sa anak niyang mag-marijuana," depensa ni Monreal.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang isa pang suspek na si Niño Macasaet.

Ayon sa Parañaque City police, wala pang rekord sa kanila ang mga suspek.

Nakakulong na si Monreal na nahaharap sa kasong rape, habang isasailalim naman sa counseling ang biktimang si Bong.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.