6 na mga tindahan at bahay, nasunog sa Zamboanga Sibugay

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 02:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

VIDEOS COURTESY OF RAMIL OTAÑO

ZAMBOANGA SIBUGAY – Hindi bababa sa 6 na establisyemento at mga bahay ang natupok ng malaking sunog sa palengke ng Barangay Poblacion sa bayan ng Malangas, Huwebes ng gabi. 

Ayon sa pulisya, nagsimula ang sunog sa isang bakery na pagmamay-ari ni Banban Mahusay. Agad kumalat ang apoy at nadamay din ang dalawang katabing grocery stores at isa pang bakery.

Naabo din ang dalawang bahay na katabi naman ng mga nasunog na gusali.

Malaki na ang sunog nang dumating ang mga bumbero dahil mula pa sa kabilang bayan ng Diplahan ang rumespondeng firetruck.

Ayon sa pulisya, ilang buwan nang sira ang firetruck ng Malangas at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naaayos.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa naganap na sunog.

Isa sa mga tinitingnan nilang posibleng sanhi ng sunog ay ang napabayaang LPG tank. May nagluluto umano sa kusina ng bakery nang magsimulang magliyab ang gusali.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Aabot sa humigit P5-milyon ang tinatayang halaga ng mga nasirang gusali at ari-arian.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.