2 hinihinalang ISIS sympathizer inaresto

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 07:00 PM | Updated as of Apr 27 2018 08:18 PM

Dalawa umanong Islamic State (ISIS) sympathizer na nasa Pilipinas ang inaresto sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Cavite at Laguna. 

Sa bisa ng isang search warrant, sinalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga tahanan ng dalawang suspek.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, nahulihan ng mga baril, pampasabog, at itim na ISIS flag sina Jimuel Dizon at Eddie Boy Alejo Bermejo na kapwa umano miyembro ng Suyuful Khilafa Fil Luzon na dawit daw sa 2017 Marawi siege. 

Sa impormasyon ng PNP-CIDG, tinangka rin umanong pumunta ng dalawa sa giyera sa Marawi ngunit hindi natuloy dahil sa higpit ng seguridad ng militar at pulisya.

Sasailalim sa tactical interrogation ang dalawa at inaalam pa kung may balak silang maghasik ng terorismo.

Nahaharap sina Dizon at Bermejo sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.