PatrolPH

8 anyos na na-kidnap habang bumibili ng load sa QC, nasagip sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2023 05:29 PM | Updated as of Apr 26 2023 07:18 PM

MAYNILA - Nasagip na ang isang 8 anyos na batang babae mahigit 2 araw matapos ma-kidnap habang bumibili ng load sa barangay Manresa sa Quezon City. 

Magpapa-load sana ang batang si "Ineng" sa malapit na tindahan nang madaanan nito ang nakaupong lalaking kapitbahay. Huminto ang paslit at nakipaglaro rito. Maya-maya, sumakay na sila sa tricycle. 

Nagsumbong naman sa La Loma police ang mga magulang ng bata. 

Nag-post sa social media ang barangay Manresa, habang nag-alok ng pabuyang P10,000 ang kapitan at nanawagan sa suspek. 

Natunton ng PNP Anti-kidnapping group ang suspek sa Pasig at nasagip ang bata nitong Martes ng gabi. 

Inamin ng suspek na may problema siya sa pamilya at nami-miss na umano niya ang kaniyang anak. 

Sasampahan ng kasong kidnaping sa pisikalya ang suspek. 

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.