PatrolPH

Iloilo, Capiz nasa state of calamity dulot ng Bagyong Agaton

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2022 10:08 PM

Isinailalim sa state of calamity ang mga lalawigan ng Iloilo at Capiz ilang linggo matapos sila hagupitin ng Bagyong Agaton.

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Iloilo, Martes ng hapon ang isang rekomendasyon ng provincial disaster risk reduction and management office na isailalim sa state of calamity ang buong lalawigan.

Sa datos na inilabas ng Iloilo PDRRMO, nasa 184,941 na mga pamilya o 697,021 na mga indibidwal ang naapektuhan ng baha bunsod ng Bagyong Agaton.

Nasa P733.3 milyon ang halaga ng mga nasirang pananim sa agrikultura at P185,700 naman ang halaga ng mga nasirang tulay at kalsada sa imprastraktura.

Lima naman ang kumpirmadong namatay sa pananalasa ng bagyo sa Iloilo.

Ayon kay PDRRMO chief Jerry Bionat, maaaring gamitin ng lalawigan ang pondo na aabot sa P65.9 milyon na mula sa quick response fund at trust fund.

Samantala, April 19, 2022, naman inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Capiz na isailalim sa state of calamity ang lalawigan.

Nasa 35,000 na pamilya umano ang naapektuhan ng baha sa Capiz bunsod ng bagyo.

Umabot naman sa 19 na tao ang namatay at isa ang nananatiling nawawala sa lalawigan, ayon sa Capiz PDRMMO.

Higit P10 milyon ang inilaan na pondo ng lalawigan para sa ayuda na ibibigay sa mga apektadong pamilya.—Ulat ni Rolen Escaniel

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.