PatrolPH

Truck driver patay sa pamamaril sa Maynila; suspek pinaghahanap

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2021 06:37 PM | Updated as of Apr 27 2021 01:42 PM

Watch more on iWantTFC

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang 1 sa 2 suspek sa pagpatay sa isang truck driver sa Paco, Maynila noong nakaraang linggo.

Nakuhanan pa ng CCTV ng Barangay 678 ang insidente noong Abril 19, kung saan papasok sana ng trabaho ang biktimang si Elbert Silva nang bigla siyang barilin nang malapitan sa ulo ng isang lalaki.

Tumumba na ang biktima pero binaril pa siya ng isang beses ng lalaki bago ito tumakbo hanggang sa iniabot ang bag na pinagtaguan ng baril sa isa pang taong sakay ng motorsiklo.

Sumakay rin sa kaniyang nakaparadang motorsiklo ang gunman pero hindi siya nakalayo dahil hinabol na siya ng taumbayan.

Kinilala ang nahuling suspek bilang is Nestor Perez, 57 at taga-Tanauan, Batangas.

Ayon kay Perez, pumayag siyang patayin ang biktima dahil sa alok na P100,000.

"Magnanakaw at mang-aagaw daw ng asawa. Sa iyong pamilya, kung sakali mang naririnig niyo ito, nagsisisi na ako. Napag-utusan lang ako. Mahigpit lang ang aking pangangailangan," ani Perez.

Pinuntahan na ng mga awtoridad ang kasabwat sa bahay nito sa Makati at Tiaong, Quezon pero wala ang isa pang suspek doon.

Nag-alok din ng P200,000 pabuya si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa makapagtuturo sa kasabwat.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.