PatrolPH

3 mobile vaccination clinic inilunsad sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2021 03:50 PM | Updated as of Apr 26 2021 07:21 PM

3 mobile vaccination clinic inilunsad sa Quezon City 1
Umarangkada ang 3 mobile clinic sa Quezon City kung saan maaaring magpabakuna kontra COVID-19 ang senior citizens at persons with disability. Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Umarangkada ngayong Lunes ang 3 mobile clinic sa Quezon City kung saan maaaring magpabakuna kontra COVID-19 ang mga residente.

Inilunsad ang mobile vaccination clinic para sa mga residenteng hindi marunong gumamit ng gadget para makapag-online booking ng pagpapabakuna, senior citizens, at persons with disability (PWD).

Ang isa sa mga bus ay may lifter para maiangat ang mga PWD.

Watch more on iWantTFC

Isa sa mga nagpabakuna sa mobile clinic ang 70 anyos na street sweeper na si Genoveva Flores.

Namangha siya sa clinic at pakiramdam niya'y ligtas daw siya lalo't hindi kumpulan ang mga tao at isa-isa lang ang pumapasok sa bus.

"Proteksiyon po. Nagwawalis ako sa kalsada at may sakit na cancer ang kapatid ko," ani Flores sa panayam ng ABS-CBN News.

Nagpabakuna rin ang stroke survivor na si Teodorico Pinero.

Ayon kay Pinero, matagal na niyang gustong magpaturok pero hindi niya alam kung saan may vaccination site.

"Bakuna ang ating pag-asa para makaligtas tayo sa pandemic na ito," aniya.

Iba-ibang paraan ang ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Quezon City upang maihatid ang COVID-19 vaccines.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kasama rito ang pagtatag ng vaccination sites sa community centers at elementary schools.

May mga mall at simbahan din umano sa lungsod na maaaring puntahan para maturukan laban sa sakit.

Nagsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng house-to-house vaccination para sa mga bedridden.

Samantala, ilulunsad naman ng Pasay city government ang sinasabing pinakamalaking vaccination center sa buong bansa katuwang ang isang mall.

Kinumpirma naman ni Food and Drug Administration chief Eric Domingo na nag-apply na ng emergency use authroization ang Moderna para sa COVID-19 vaccine nito.

Pinilahan naman ng mga tsuper ang drive-through swab test sa Davao City na layong dagdagan ang mga swabbing unit sa lungsod.

Sa tala noong Abril 22, umabot na sa 1.6 milyon Pilipino ang nabigyan ng bakuna kontra COVID-19, kung saan higit 214,000 na ang nakatanggap ng 2 dose.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.