Puerto Princesa City nagtala ng unang kaso ng COVID-19

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 09:06 AM | Updated as of Apr 26 2020 01:57 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Naitala ang unang kaso ng COVID-19 sa lungsod na ito matapos magpositibo ang isang 63-anyos na lalaki na pumanaw noong Abril 21, ayon kay Mayor Lucilo Bayron sa isang recorded na pahayag nitong Linggo.

Na-admit ang lalaki, residente ng Barangay Tanabag, sa Ospital ng Palawan noong Abril 14 dahil sa mataas na lagnat at hirap sa paghinga.

Agad na-cremate ang bangkay nito habang naglunsad na ng contact tracing ang mga awtoridad.

Isinailalim din sa total lockdown ang Barangay Tanabag.

"Muli, nakikiusap ako sa lahat ng mamamayan ng Lungsod ng Puerto Princesa na maging lalong maingat at siyempre laging i-practice ang social distancing, laging maghuhugas ng kamay at huwag munang makikihalubilo sa maraming tao," ani Bayron.

Pinayuhan din ang lahat ng residente na huwag munang lumabas ng bahay kung walang mahalagang lakad.

Ayon sa City Information Department ng lungsod, 11 ang suspect COVID-19 cases ng Puerto Princesa sa huling tala nito Sabado ng gabi.

Sa buong bansa, mayroon ng 7,294 kaso ng COVID-19, kabilang ang 494 na namatay, at 792 na gumaling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.