P1 milyong halaga ng 'shabu' nasamsam, 2 timbog sa QC drug bust

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 01:10 PM

Retrato mula sa National Capital Region Police Office

MAYNILA — Higit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa 2 lalaking naaresto sa isang buy-bust operation sa Quezon City, sabi ngayong Linggo ng pulisya.

Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang mga suspek bilang sina alyas "Brian," 22, at alyas "Luigi," 23.

Nahuli sila matapos umano nilang bentahan ng hinihinalang shabu noong gabi ng Biyernes ang isang operatibang nagpanggap na buyer sa may Barangay Gulod, Novaliches.

Nakuha sa mga suspek ang 6 sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 150 gramo at nagkakahalaga ng P1,020,000, ayon sa NCRPO.

Narekober din umano sa mga suspek ang isang plastik ng bigas, cellphone, driver's license, isang motorsiklo, 2 helmet, at buy-bust money.

Dinala sa Quezon City Police Station 4 ang mga suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.