Lalaking nakatanggap ng cash aid, 3 iba pa huli sa shabu session sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 07:24 PM

Natunton ng pulisya ang 4 lalaki sa gitna ng kanilang shabu session sa isang sagingan sa Pagsanjan, Laguna. Retrato mula sa Pagsanjan police

MAYNILA — Apat ang arestado, kabilang ang isang benepisyaro ng social amelioration program, sa isang sagingan sa Pagsanjan, Laguna kung saan huli sa akto ang mga ito sa gitna ng shabu session noong Huwebes. 

Ayon kay Police Capt. Fernando Credo, hepe ng Pagsanjan police, isang tip ang natanggap nila mula sa mga residente kaya agad silang rumesponde.

Natunton ang mga suspek sa sagingan sa Barangay Buboy.

Nagulat ang mga pulis nang aminin ng isa sa mga naaresto na ipinambili niya ng shabu ang bahagi ng natanggap na P6,500 cash subsidy sa ilalim ng social amelioration program sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

Nagsisisi naman ang arestadong benepisyaryo sa ginawa niya.

"Sana sa lahat ng nakatanggap sana gamitin sa mabuti, ipambili ng pagkain keysa ibili ng bisyo kung ayaw niyo matulad sa akin," aniya.

Kinasuhan ang mga suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.