Lalaking 'nagbiro, nagtanong' ukol sa relief goods ginulpi umano sa barangay

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 05:11 PM | Updated as of Apr 26 2020 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang lalaki ang pinagbubugbog umano ng mga opisyal ng barangay sa gitna ng pamamahagi ng relief goods sa Caloocan.

Sa video na in-upload ng isang concerned citizen sa Facebook, mapapanood ang isang lalaking nakapula na napahiga sa kalsada at pinagkakaisahan ng ilan pang mga lalaki sa may Barangay 66 noong Huwebes.

Ayon kay Mercedes Victorio, ang anak niyang si Ramil o alyas "Kulet" ang nasa video.

Nagtanong lang umano si Ramil sa mga opisyal ng barangay tungkol sa relief goods pero pinagbubugbog na siya ng mga ito.

Hinala ni Mercedes ay napag-initan ang kaniyang anak matapos itong magreklamo sa lokal na pamahalaan tungkol sa umano ay pamimili ng barangay chairperson ng mga bibigyan ng relief packs.

"Hindi makatarungan ang ganoon. Hindi ko masabi ano'ng klaseng ugali mayroon ang mga taong 'yan," ani Mercedes sa panayam ng ABS-CBN News.

Itinanggi rin ni Ramil na nanggulo siya sa gitna ng pamamahagi ng ayuda.

"Bigla na lang akong sinapak, nagtatanong lang ako. Ni hawak ng pinamimigay nila, hindi ko mahawakan kasi hinaharang na ako," ani Ramil, na nakakulong ngayon sa Caloocan Police Community Precinct 2 sa mga reklamong unjust vexation at physical injury.

Pero ayon sa kagawad sa barangay, na tumangging magpapangalan, hindi kumpleto ang video na kumakalat sa social media ngayon.

Una raw nanggulo si Ramil matapos nitong agawin ang relief pack na hindi para sa kaniya.

"Pinipilit kunin ng taong ito, si Ramil, ang relief goods na ayaw naman ibigay," sabi ng kagawad.

"Sa galit ng aking punong barangay, maghapon na nagtatrabaho, inawat niya. Nahawi siya ng taong ito. Kaya sa galit ng aking punong barangay, nasaktan niya. Hindi niya napigilan sarili niya sa galit," dagdag ng kagawad.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag si barangay chairperson Ferdinand Lapira.

Pero base sa sinumpaang salaysay ng chairperson, sinigawan at minura siya ni Ramil sa barangay hall bago ito dalhin sa presinto.

Itinanggi naman ni Ramil ang paratang ng chairperson.

"Naagrabyado na ako, ako pa ngayon ang nakakulong," ani Ramil.

Hati naman ang opinyon ng mga residenteng nakasaksi sa pangyayari.

"Ang bilis ng pangyayari. Nandoon sina [kapitan] nagbibigay ng relief. Biniro lang [ni Ramil], nagalit si kap. Bugbog sarado inabot ng batang 'yan," sabi ng saksing si alyas "Gina."

"Si Ramil ay pilit inaagaw ang relief... Ang ginawa niya hindi tama," ani alyas "Rosa."

Umaasa si Ramil at ang kaniyang pamilya na mas mananaig pa rin ang awa, lalo at may kinahaharap na krisis ang bansa. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.