Coronavirus cases sa Pilipinas pumalo sa 7,579

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 06:05 PM | Updated as of Apr 26 2020 07:20 PM

Umabot na sa 7,579 ang bilang ng mga taong nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas matapos makapagtala ng 285 bagong kaso, sabi ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Nasa 862 na ang gumaling sa sakit matapos maiulat ang 70 bagong paggaling habang umakyat naman sa 501 ang death toll kasunod ng 7 bagong pagkamatay, ayon sa DOH.

RITM, BALIK-NORMAL ANG OPERASYON

Sa press briefing, inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na balik-normal na ang operasyon ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) matapos malimitahan nang 4 na araw.

Kasunod ito ng pagpositibo ng 43 tauhan ng RITM sa COVID-19.

Sa ngayon, wala na raw staff ng RITM na naka-confine sa ospital habang tinatapos na lamang ng 2 pang staff ang kanilang quarantine.

Ang RITM ang nangungunang laboratoryo sa pag-test ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Vergeire na patuloy pang pinag-aaralan ang reinfection o pagkakaroon muli ng sakit ng mga nauna nang gumaling sa COVID-19, tulad ng nangyari sa 2 pasyente sa Southern Philippines Medical Center.

"Posible po ang pangalawang beses na nagpopositibo sila sa test ay dahil nakita o naka-detect ang ating mga PCR test ng mga remnant ng mga patay na virus sa kanilang katawan, na hindi naman po nakakahawa na. Patuloy pa rin po ang ating pag-aaral ukol dito," sabi niya.

Samantala, nagpaalala naman si Vergeire sa mga nais bumili ng mga rapid antibody test kit na kailangan munang may reseta mula sa doktor.

Tanging mga trained health professional lamang din umano ang maaaring magsagawa ng rapid testing at mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng kits online.

MGA PINOY ABROAD

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, nasa 1,343 Pinoy sa ibang mga bansa ang nahawahan ng COVID-19, kung saan 185 na ang namatay at 331 ang gumaling.

Noong Biyernes, pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine sa ilang bahagi ng bansa, kasama ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan nito, hanggang Mayo 15 para makontrol ang pagkalat ng respiratory illness.

Nauna nang inihayag ng University of the Philippines Resilience Institute na naging epektibo ang mga lockdown na ipinatupad sa iba-ibang panig ng bansa para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Sa tala ng Johns Hopkins University of Medicine Coronavirus Resource Center ngayong hapon ng Linggo, umabot na sa 2.9 milyon ang bilang ng mga taong nahawahan ng COVID-19 sa buong mundo habang 203,055 naman ang namatay. -- May ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CB News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.