Bus naaksidente sa Pagbilao, Quezon; 2 sugatan

Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 05:25 PM | Updated as of Apr 26 2020 05:27 PM

PAGBILAO, Quezon- Isang pribadong bus ang naaksidente sa Barangay Bukal, Pagbilao, Quezon Sabado ng hapon.

Ayon kay PCol. Audie Madrideo, Provincial Director Quezon Provincial Police Office, base sa report ni Police Major Reden Romansata, nangyari ang aksidente bandang 5:20 ng hapon sa Maharlika Highway sa bahagi ng Barangay Bukal. 

Habang tinatahak ng bus na minamaneho ni Gualberto Flores Guzman, 58 anyos na residente ng Antipolo, Rizal, ang naturang highway, bigla umano nitong kinabig ang manibela sa kaliwang direksyon dahilan para maararo ang unahang bahagi ng isang establisimyento na pag-aari ni Adelaida Garcia at ang isang bahay na pag-aari naman ni Ireneo Ayala hanggang sa matamaan rin ang katabi pang bahay ni Pedro Ayala.

Dahil sa aksidente, nagtamo ng iba't-ibang sugat sa katawan ang suspek na driver na si Gualberto at ang isang pasahero na kinilalang si Regine Joy Tinamisan Fuentes, isang 29 anyos na seawoman na residente ng Barangay Sta. Catalina sa Pagbilao.

Agad namang dinala sa MMG Hospital Lucena City si Fuentes at suspek na si Gualberto habang nilapatan naman ng first aid ang iba pang pasaherong nagtamo ng minor injury.

Lulan ng bus ang mga overseas Filipino workers at seafarers na galing Maynila na kakatapos lamang ng kanilang 14-day quarantine. Ang naturang bus ay maghahatid sana sa mga bayan ng Calauag at Lopez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.