2 miyembro umano ng 'drug group' sa Calamba City patay sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 02:30 PM

Dalawang lalaking dawit sa ilegal na droga at holdapan ang napatay habang naaresto naman ang isa nilang kasamahan sa buy-bust operation na nauwi sa barilan sa Calamba City, Laguna noong Sabado.

Mga miyembro umano ang 3 lalaki ng Barok Fajardo Drug Group, na isa sa pinakamalaking distributor ng ilegal na droga sa lungsod mula nang maitatag noong 2000.

Natunugan ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya nagpaputok sila, dahilan para gumanti rin ng putok ang mga awtoridad, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Dead on the spot umano sina Marlon Fajardo at Roberto Luis Amador habang natimbog ang kasamahan nilang kinilala bilang Maximo De Luna, Jr.

Narekober umano sa mga suspek ang 2 baril, mga cellphone, at 28 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P700,000.

Bukod sa pagbebenta ng ilegal na droga, sangkot din umano ang grupo sa panghoholdap at karamihan ng kanilang mga biktima ay Indian nationals.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.