Arestado ngayong Linggo ang 10 tao, kasama ang ilang barangay official, dahil sa pagbiyahe mula Meycauayan, Bulacan hanggang Pangasinan nang walang mga awtorisadong dokumento.
Nasita sa isang checkpoint sa bayan ng Villasis, Pangasinan ang isang patrol car ng Barangay Camalig sa Meycauayan, Bulacan.
Sakay ng patrol car ang isang barangay tanod, kagawad, at health worker mula Meycauayan. Ihahatid sana nila ang 7 buko vendor na tubong-Barangay Taloyan sa Malasiqui, Pangasinan.
Pero nang harangin sa checkpoint sa Villasis, walang maipakitang quarantine o travel pass ang mga suspek.
Ayon kay Police Maj. Fernando Fernandez Jr., hepe ng Villasis police, nagduda siya sa balak ng mga nakasakay ng barangay patrol car lalo at galing pa ito sa malayong lugar.
Sa ilalim ng lockdown protocol sa Pangasinan, pinagbabawal ang pagpasok ng mga taga-ibang probinsiya sa lalawigan.
Haharap sa mga kaukulang kaso ang mga barangay official at mga taong tinangkang ipuslit, na pababalikin din ng Bulacan.
Mula nang isailalim sa lockdown ang buong Luzon noong Marso, higit 6,000 tao na ang nasita at naaresto gn Pangasinan dahil sa mga paglabag sa protocol.
-- Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, Pangasinan, Villasis, Bulacan, Meycauayan, enhanced community quarantine, krimen, checkpoint, Malasiqui