Rescue team sa Porac balik retrieval ops para sa '5 pang nawawala'

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

PORAC, Pampanga — Balik sa search and retrieval operations ang mga rescuer sa gumuhong Chuzon Supermarket sa bayan na ito nitong Biyernes matapos malamang lima pa ang hindi nakikita sa listahan ng mga nawawala. 

Taliwas ito sa sinabi ng pulisya noong Huwebes na nasa clearing operations na sila dahil wala na umanong bakas ng buhay sa mga guho.

Lunes nang gumuho ang 4 na palapag na gusali na napuruhan matapos ang magnitude 6.1 na lindol sa ilang bahagi ng Luzon. 

Galing sa lokal na pamahalaan ang listahan pero walang kasiguraduhan kung nasa loob sila ng supermarket nang mangyari ang lindol. 

Base rin kasi sa ginawang pag-iikot ng mga awtoridad, wala nang nakikitang proof of life at wala na ring bangkay na nakakalkal.

"In so far as the accounting of employees and the guards, kumpleto na po sila. Pero iyung sa civilian na sinasabi, 'yun 'yung effort namin ngayon," paliwanag ni Marlou Salazar, direktor ng Office of Civil Defense-Region 3.

"Kung hindi namin ma-trace talaga, pupuntahan namin mga kapitan na mag-certify na walang tao doon na ganyan ang pangalan para sigurado," sabi naman ni Porac Mayor Condralito dela Cruz.

Samantala, pinag-aaralan na ng pulisya kung pumasa ba sa building code ang disenyo ng gumuhong Chuzon Supermarket at kung tama ba ang materyales na ginamit sa paggawa nito.

"Marami po tayong dapat imbestigahan dito tulad ng structural designer po, then 'yung contractor po, then 'yung owner po, then 'yung municipal officials po," paliwanag ni Police Col. Jean Fajardo, direktor ng Pampanga Provincial Police Office. 

Ayon naman kay Dela Cruz, handa silang maimbestigahan kung kinakailangan pero retired na raw ang mismong engineer na nag-apruba ng construction ng Chuzon Supermarket. 

Bumuo ang mga awtoridad ng Special Investigation Task Group Chuzon para sa mas malalim na imbestigasyon kasama ang iba't ibang ahensiya. —Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.