Lebel ng tubig sa Angat Dam, muling bumaba malapit sa critical level

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 12:24 PM | Updated as of Apr 26 2019 02:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Muling nabawasan ang lebel ng tubig sa Angat Dam, base sa datos mula sa Hydrology Division ng PAGASA, Biyernes.

Bandang alas-6 ng umaga ay nasa 180.73 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam, malapit sa kritikal o low level na 180 meters, ayon sa mga awtoridad.

Inaasahan na aabot sa kritikal na lebel ang tubig sa Angat Dam bukas o sa Linggo, ani Sevillo David, Jr., direktor ng National Water Resources Board (NWRB).

Posible ring bumaba hanggang 173 meters ang tubig sa Angat Dam sa buwan ng Mayo, aniya.

Nilinaw naman ni David na ang kritikal na lebel na ito ay para lang sa irigasyon at hindi para sa tubig na ginagamit sa mga kabahayan sa Metro Manila.

Samantala, nabawasan din ang antas ng tubig sa Ambuklao, San Roque, Pantabangan at Caliraya Dam.

Nananatili naman sa 68.48 meters ang taas ng tubig sa La Mesa Dam sa nakalipas na 24 oras, habang ang Ipo dam naman ay mayroong water level na 100.99 meters.

Tumaas naman ang tubig sa Binga at Magat Dam, ayon sa mga opisyal ng PAGASA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.