Lalaki huli sa 'pangingikil' sa mga mangingisda sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 08:16 PM | Updated as of Apr 26 2019 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki na dawit sa umano'y pangingikil sa mga mangingisda at pagsusunog ng kanilang mga bangka sa Barangay Amaya sa bayan ng Tanza, Cavite. 

Kinilala ang suspek bilang si Edizon Malaras Jr., matapos umanong tumanggap ng P100,000 marked money sa ikinasang entrapment operation ng Cavite police. 

Ayon sa mangingisdang si Ismael Abad, Oktubre 2018 nang makatanggap ang kaniyang asosasyon ng sulat na naniningil umano sa kanila ng P1 milyon ang hindi pa nakikilalang suspek. 

"'Pag hindi raw nasunod, magpapasabog sila ng bangka," ani Abad. 

Nagpadala ng P25,000 si Abad sa mga suspek sa pamamagitan ng money remittance bilang paunang bayad. 

Pero matapos ang tatlong buwan, sinunog umano ang dalawa sa pinakamalaking mga bangka nina Abad, na nagkakahalagang P1.5 milyon hanggang P2 milyon kada bangka. 

"Wala na po kaming hanapbuhay. May mga tauhan kami, may mga pinag-aaral na anak," pahayag ni Joel Cenizal, isa sa may-ari ng mga bangka. 

Matapos ang insidente, nanghingi naman ng P500,000 ang mga suspek. 

Sa takot na maulit ang pagsunog, nag-ambagan daw ang grupo ni Abad at ibinigay sa mga suspek ang hinihinging pera.

Ngayong Abril, nilapitan din umano ang asosasyon nina Adelfa Lejano at kinikilan ng P300,000 sa parehong pagbabanta. 

"Nagpadala pa siya (suspek) ng sulat, na 'condolence na lang sa mga may-ari at tauhan ng bangka,'" ani Lejano. 

Nagulat na lang ang mga biktima nang makita ang suspek, na kapwa rin pala nilang mandaragat sa barangay si Malaras. 

Aminado si Malaras sa kaniyang nagawa; pero giit niya, inutusan lang daw siya at pinagbantaan ng mga miyembro ng New People's Army na gawin umano ang paningikil. 

"Papatayin nila ako kapag 'di ako sumunod sa kanila,” pahayag ni Malaras.

Dagdag ni Malaras: "NPA nga raw sila."

Kinukumpirma pa ng mga pulis kung miyembro ng NPA si Malaras, ayon kay Police Col. William Segun, Cavite police director. 

Sinampahan na ng reklamong robbery with intimidation and grave threats si Malaras. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.