Konsehal, isa pang suspek sa ambush sa reelectionist councilor, arestado

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 05:19 PM

Dinakip ng awtoridad ang dalawa sa may kaugnayan umano sa ambush na ikinamatay ni Moises Padilla reelectionist councilor Michael Garcia at tiyuhing si Mark Garcia. Martian Muyco, ABS-CBN News

MOISES PADILLA, Negros Occidental - Hawak ng pulisya ang isang konsehal at isa pang suspek sa pagpatay sa tumatakbo muling konsehal ng bayan at tiyuhin nito sa Barangay Inolingan nitong Huwebes.

Ang isang nahuli ay reelectionist councilor din ng bayan pero mula sa kalabang grupo ng biktimang si reelectionist Councilor Michael Garcia. Dinakip naman sa sinasabing hideout ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team o BPAT.

Ayon sa pulisya, hinuli ang konsehal Huwebes din ng hapon dahil may nakakita sa kaniya na kausap ang itinuturong gunman sa ambush na ikinamatay din ng tiyuhin ni Garcia na si Mark Garcia, dating ABC President.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang inarestong konsehal.

Itinanggi rin ng BPAT member na may kinalaman siya sa pagpaslang. Sabi niya, nakabantay lamang siya sa lugar.

Kasong 2 counts of murder ang isasampa ng pamilya ng mga biktima laban sa dalawang suspek.

Tukoy at sinusubukan nang mahuli ng pulisya ang dalawang iba pang may kaugnayan umano sa ambush.

Tinatayang nasa 20 hanggang 30 katao ang sakay ng pickup, SUV at motorsiklo na bumaril sa mga biktima pero halos lahat sila ay may takip ang mga mukha.

Nangangampanya ang mag-tiyuhin kasama ang kanilang kamag-anak na tumatakbong alkalde na si incumbent Vice Mayor Ella Garcia-Yulo nang tambangan.

Panay naman ang ikot at todo-bantay sa ngayon ang pulisya sa bayan upang maiwasan ang karahasan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.