Iloilo City isinailalim sa state of calamity dahil sa water crisis

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 08:28 PM

ILOILO CITY - Isinailalim na sa state of calamity ang lungsod na ito dahil sa krisis sa tubig bunsod ng El Niño.

Sa regular session ng Sangguniang Panlungsod nitong Biyernes ng hapon, nagpasa ng resolusyon ang 8 miyembro ng city council na nagdedeklara ng state of calamity sa buong lungsod.

Ito'y sa kabila ng pag-boycott ng 6 na konsehal sa sesyon.

Sa isinumiteng resolusyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), 63 barangay sa lungsod ang nakararanas ng krisis sa tubig dahil sa matinding tag-init.

Isang barangay na ang naunang nagdeklara ng state of calamity habang 3 ang humingi ng ayuda sa city government para sa water rationing.

Lumabas din sa rapid assessment ng CDRRMC na may 117,265 katao ang apektado ng water crisis o 24.92 percent ng buong populasyon ng lungsod.

Naging basehan din ng deklarasyon ng state of calamity ang "disruption of lifeline" dahil sa pagkawala ng suplay sa mga linya ng Metro Iloilo Water District (MIWD) sa mga barangay.

Umaabot sa P34.7 milyon ang Quick Response Fund na maaaring gamitin ng city government sa pagrarasyon ng tubig sa mga apektadong barangay.

Mahigit sa P8 milyon naman ang tinatayang pondo na gagastusin sa loob ng 90 araw na water rationing.

Ilalatag ng CDRRMC, MIWD at Philippine Red Cross ang mga panuntunan sa pagrarasyon ng tubig gamit ang calamity fund ng lungsod.

Huling nagdeklara ang lungsod ng water crisis noong 2016 dahil din sa El Niño.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.