ALAMIN: Parusa sa mga magpapabaya sa empleyado tuwing lindol

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 05:36 PM | Updated as of Apr 26 2019 06:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos tamaan ng lindol ang ilang parte ng bansa nitong linggo, inirereklamo umano ng ilang manggagawa na hindi sila pinalikas sa kanilang mga opisina. 

Ayon sa abogadong si Atty. Noel Del Prado, may laban ang mga empleyado dahil nakapaloob sa batas ang pagsiguro sa kanilang kaligtasan tuwing may sakuna. 

Nilalaman ng Republic Act 11058 o Occupational Safety and Health Standards Law ang mga pamantayan para protektahan ang mga empleyado sa mga sakuna. Batayan din aniya ang Saligang Batas dito.

"Ginagarantiya nito 'yung kaligtasan at kalusugan ng bawat manggagawang Pilipino sa kaniyang pinagtatrabahuan," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" noong Huwebes. 

Kasama dito ang paglalagay ng mga safety equipment sa mga opisina para mapanatiling maayos at ligtas ang pagtatrabahuhan. 

May karapatan ding igiit ng trabahador ang kaniyang karapatan na ilikas kapag hindi na ligtas sa kanilang trabaho. 

Kung mapapatunayan ang paglabag ng employer, maaari silang multahan ng aabot sa P100,000.

Maaari rin aniyang managot sa Republic Act 11036 o "Mental Health Law" ang mga employer lalo't maaaring may epekto sa pag-iisip ang karanasan sa isang sakuna. 

"Pag sinabi nating kalusugan, hindi lang pisikal na kalusugan ang pinag-uusapan kung hindi pati iyung mental, at psychological na kalusugan," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.