6 anyos na bata nalunod sa quarry site sa Laoag

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 04:07 PM

Sa lugar na ito naligo ang 6-taong gulang na bata na nagresulta sa kaniyang pagkalunod sa Barangay Zamboanga sa Laoag City. Larawan mula kay Lemuel Salvador

LAOAG CITY – Patay ang isang 6-taong gulang na batang babae matapos malunod sa quarry site sa Padsan River sa Barangay Zamboanga dito sa siyudad, Miyerkoles ng hapon.

Nakilala ang bata na si Denise Joy Tejada ng Barangay Araniw sa nasabing lungsod.

Ayon sa kaniyang ama na si Noriel, naligo si Denise kasama ang 7-taong gulang na kapatid na babae habang nangunguha naman silang mag-asawa ng shell sa ilog.

Nagtaka na lamang ang mag-asawa nang alas-5 na ng hapon wala pa rin ang bata.

“Kinabahan na ako kaya sumisid ako sa ilog dahil alam kong nandoon siya,” sabi ni Noriel na nagtatrabaho bilang backhoe operator sa quarry site. 

Dalawang oras nilang pinaghahanap ang biktima sa tulong ng ibang residente hanggang sa nakita itong wala nang malay 300 metro ang layo mula sa lugar kung saan posibleng nalunod ang bata.

Dinala pa ito sa pagamutan pero idineklara nang dead on arrival.

Payo naman ng awtoridad sa mga magulang na huwag dalhin ang mga anak sa ilog lalo na kung hindi mababantayan.

May warning signs din umano na nagbabawal sa pagligo sa lugar dahil sa lalim nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.