4 nahulihan ng droga, armas sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 04:38 AM

MAYNILA - Nahulihan ang 4 na lalaki ng shabu, baril, at granada sa buy-bust operation sa Barangay Napindan, Taguig City Biyernes ng madaling-araw.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Guillermo Eleazar, nasa drugs watch list ang mga suspek at dating naaresto sa kaparehong kaso.

Posibleng sangkot rin umano sila sa gun-for-hire dahil sa mga narekober na armas, aniya.

Nakuha sa mga suspek ang nasa 165 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P1.1 milyon. Inaresto sila matapos mabilhan ng P100,000 halaga ng droga.

Depensa ng isang suspek, napag-utusan lamang siya at pinasok ito dahil sa kagipitan ng pera.

Mahaharap sila sa mga reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.