2 nangholdap ng traysikel, patay sa engkuwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 04:56 AM | Updated as of Apr 26 2019 06:57 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Patay ang 2 lalaki sa engkuwentro laban sa mga pulis sa Novaliches, Quezon City Biyernes ng hatinggabi.

Suspek sila sa panghoholdap ng isang tricycle driver, ayon sa pulisya.

Kuwento ng biktima, nagpahatid ang mga suspek sa isang resort nang bigla siyang tutukan ng baril.

"Sabi lang, motor lang kailangan namin. Umalis ka na," aniya.

Tumakbo ang biktima at dumiretso sa pulisya para magsumbong.

Sa tulong ng isang concerned citizen, natunton ang mga suspek sa isang bakanteng lote sa Barangay Bagbag habang chino-chop-chop ang traysikel.

Sa halip na sumuko, nakipagbarilan umano ang mga suspek na dahilan sa kanilang pagkamatay.

"Ibebenta sana 'yung motorsiklo," ani Police Lt. Col. Rossel Cejas ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.

Inaalam din ng mga pulis kung sangkot ang mga suspek sa nakawan ng traysikel at motorsiklo sa Novaliches. - Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.