2 dawit sa holdap noong Biyernes Santo, huli sa checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 05:29 PM | Updated as of Apr 26 2019 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado sa isang checkpoint sa Barangay Anonas sa Quezon City ang dalawang lalaki sa pag-iingat umano ng armas at droga. 

Kinilala ang dalawang suspek bilang sina Jason Cabrera at Eric Jason Santos, na napag-alaman ding dawit sa panghoholdap noong Biyernes Santo. 

Base sa kuha ng CCTV noong Abril 19, gumagamit ng cellphone sa labas ng bahay ang dalawang biktima sa Barangay Duyan-Duyan, Quezon City. 

Makalipas ang ilang minuto, nilapitan sila ng dalawang lalaking naka-helmet at tinutukan ng baril at balisong. 

Kinuha nina Cabrera at Santos ang mga cellphone ng biktima, at hinampas pa ang isa sa ulo gamit ang baril bago sumakay sa nag-aabang na motorsiklo. 

Nang mahuli, natagpuan sa dalawang suspek ang isang balisong, replika ng baril at hinihinalang droga. 

Aminado ang dalawang suspek sa krimen, at ikinatuwirang matindi ang kanilang pangangailangan. 

"Parang nasubo lang po. Wala po kasing pasok noon," ani Cabrera. 

Nahaharap sa kasong robbery, possession of illegal drugs, at paglabag sa election gun ban ang dalawang suspek. -- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.