TINGNAN: Sitwasyon sa Boracay sa unang araw ng 'shutdown'

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 01:13 PM | Updated as of Apr 26 2018 10:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakabibinging katahimikan ang gumising sa mga residente at nalalabing turista sa Boracay nitong Huwebes ng umaga, matapos ipatupad ang closure order ng gobyerno para sa susunod na anim na buwan.

Sa Station 1 ng isla, bilang na bilang ang tao na nasa tabing-dagat, ang iba'y naglalakad-lakad o di kaya'y nagdya-jogging.

Inaasahan na ang mga nalalabing turista sa isla ay tatapusin na lamang ang kanilang booking at maiiwan na lang ang mga residente at mga trabahador na nakakuha ng "terminal pass."

Kuwento ng ilan sa nakausap ng ABS-CBN News, ang sitwasyon ngayon sa Boracay ay tila ba pagbabalik noong ito'y hindi pa binibiyayaan ng "tourism boom."

Samantala, naging madamdamin ang eksena sa huling gabi bago ipasara ang Boracay. 

Bago ang pagpatak ng alas-12 ng hatinggabi, tila nagkaroon ng "celebration" ang mga lokal at turista. 

Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Epimaco Densing III, tinanggap na ng mga taga-Boracay ang kapalaran nila ngunit excited na rin daw ang mga ito sa muling pag-usbong ng isla.

"Actually welcome na po nila. Tanggap na nila 'yung sitwasyon natin na wala munang turista. And they're looking forward sa pagbubukas," ani Densing. 

Kinumpirma rin ng opisyal na handa na ang kanilang "complaint sheet" at may 10 lokal na opisyal silang kakasuhan kaugnay sa naging estado ng Boracay.

Hinihintay na lamang ma-authenticate ng iba't ibang ahensiya ang kanilang mga dokumento para mailakip sa isasampang kasong administratibo. 

Samantala, maraming nakakasang aktibidad ang gobyerno sa unang araw ng closure, isa na rito ang clean-up sa Bulabog Beach.

Unang pagtutuunan ng pansin ang mga kalsada na sinimulan nang bakbakin upang bigyang-daan ang pagsasaayos ng drainage system na isa sa pinakamalaking problema ng Boracay. 

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.