Sugatang NPA at 2 iba pa, nadakip sa Sarangani Province

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 09:29 AM

Bukod sa tatlong arestadong rebelde, nakumpiska rin ng militar ang ilang mga baril at personal na kagamitan ng mga ito. Photo courtesy of the 1002nd Brigade

SARANGANI PROVINCE – Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang naaresto ng militar sa magkahiwalay na bakbakan sa mga bayan ng Maasim at Malapatan.

Nagpapagaling ngayon sa ospital ang isang NPA na nasugatan sa paa matapos na makaengkuwentro ang militar sa Sitio Salbuyan, Barangay Amsipit sa Maasim nitong Lunes.

Ayon kay Brigadier General Roberto Ancan, higit 1 oras ang naging bakbakan sa pagitan ng tropa ng 27th Infantry Battalion at nasa 15 NPA.

Matapos ang bakbakan, narekober pa sa area ang 3 high-powered firearms na M16, granada at rifle grenade.

Nagkasagupaan rin ang tropa ng 73rd Infantry Battalion at NPA sa Sitio Bagyang, Upper Suyan sa Malapatan Martes ng umaga kung saan bumagsak sa kamay ng militar ang dalawang rebelde.
 
Narekober din mula sa kanila ang isang M16 rifle at isang carbine.

Hinihikayat naman ng militar ang natitirang myembro ng NPA na sumuko na dahil hangga’t hindi pa nabubuhay ang peace talks, patuloy umano ang puwersa ng gobyerno sa pagtugis sa mga teroristang grupo.

Samantala, mas hinigpitan pa ng awtoridad ang pagbabantay sa mga sasakyan na labas-masok sa Sarangani at kalapit bayan at lungsod.

Umaapela ang mga awtoridad sa publiko na tumulong na magbantay sa seguridad at pagtaguyod ng kapayapaan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.