SAPUL SA VIDEO: Ilang opisyal, nahulog sa tulay na bumigay

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 08:27 PM

Kongresistang nahulog sa tulay, paiimbestigahan ang 'substandard' na estruktura

Watch more in iWant or TFC.tv

Nais paimbestigahan sa Kongreso ang umano'y "substandard" na housing project sa Zamboanga City matapos mahulog sa tubig ang ilang opisyal nang bumigay ang tinatawirang footbridge nitong Huwebes.

Nakuhanan pa sa video nang magtuloy-tuloy sa tubig sina Negros Occidental Rep. Albee Benitez, Zamboanga City Mayor Beng Climaco Salazar, at Zamboanga City Rep. Celso Lobregat kasama ang kani-kanilang staff.

Ayon kay Benitez, chairperson ng House committee on housing and urban development, iniinspeksiyon nila noon ang napaulat na mga "substandard" o mababang kalidad na housing project para sa mga biktima ng Zamboanga siege noong 2013.

"I think I've seen enough. This warrants a full congressional inquiry," ani Benitez sa panayam ng programang "Dos por Dos" ng DZMM. 

"Titingnan na po natin ang iba-ibang issues dito dahil kitang-kita po natin na talagang kailangang baguhin ang program designs at hanapin muna kung 'yong mga contractor eh talagang pinayagang gumamit ng ganitong materyales."

Watch more in iWant or TFC.tv

Dagdag pa ni Benitez, hindi dapat "mabalewala" ang nangyari sa kanilang grupo.

"Sabi nga nila, kung ordinaryong tao lang nangyari ang insidenteng ito, baka di natin napansin, di natin pinag-uusapan. Talagang timing din, ang isyung ito ay dapat magkaroon ng magandang resulta at hindi naman mabalewala ang nangyari sa'min."

"Kung up to standard po 'yon, siguro hindi kami nalaglag, ani Benitez."

Nagtamo ng galos sa katawan ang mga nahulog na opisyal.

Kuwento ng mga opisyal, bago bumigay ang tulay ay pinag-uusapan pa nila ang estado ng dinaraanang footbridge.

Ani Salazar, nabanggit niyang dapat nang palitan ang kahoy na tulay habang nais naman daw ni Benitez na ipasemento ang footbridge.

"Kaya po natin in-investigate [kung] substandard dahil [sini]sigurado po natin ang safety ng ating mga kababayan. E kitang-kita po natin sa nangyari ngayon na nanganganib ang safety nila," sabi ni Benitez.

Depensa naman ng regional manager ng National Housing Authority, sabay-sabay daw kasi ang mga dumaan kaya hindi ito kinaya ng footbridge.

Nabubulok na raw kasi ang haligi ng tulay na isinasaayos na rin nang mangyari ang insidente.

Tugon naman dito ni Benitez, dapat na lang humarap sa pormal na imbestigasyon ang mga nasa likod ng pagpapatayo ng naturang estruktura.

"Pinapaghanda ko na sila ng mga dokumento at magpaliwanag na po sila sa Kongreso."

Watch more in iWant or TFC.tv

-- May ulat ni Leizel Lacastesantos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.