Bahay ni Ricardo Parojinog sa Ozamiz, nasunog

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 01:59 AM

OZAMIZ CITY—Tinupok ng apoy ang loob na bahagi ng bahay ng wanted na konsehal na si Ricardo "Ardot" Parojinog sa Barangay Bagacay sa lungsod na ito.

Caretaker lang ang naiwan sa bahay nang umalis ang pamilya ni Parojinog pagkatapos ng isinagawang raid noong nakaraang taon.

Ayon kay Ozamiz City Fire Marshal FSI Wilfredo Cagatan, ala-una ng madaling araw nang magsimula ang apoy pero mag-a-alas 4:30 na nang makapagresponde sila dahil walang kapitbahay dito na nakapag-report. 

“Taga-CDRRMO na ang tumawag sa amin. Wala kasing kapitbahay na nakapag-report dahil natatakot daw silang lumabas," ani Cagatan.

Base sa mga nakuhang ebidensya sa lugar, posibleng sinadya ang pagsunog sa bahay. 

“Sa prima facie evidence doon marami ang pinanggalingan ng sunog may sa isang kabila, iba rin doon sa may business part, at maging doon sa may main residence nila iba rin. May mga naiwan ding flammable liquids na sa analysis namin parang mix na kerosene at krudo,” dagdag pa ni Cagatan.

Patuloy pa ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng taga-Bureau of Fire lalo’t hindi pa nagpapakita sa kanila ang caretaker ng bahay.

Tinatayang nasa P600,000 ang naging inisyal na danyos ng sunog.