2 sugatan sa pamamaril sa protesta ng mga magsasaka sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2018 07:00 PM | Updated as of Apr 26 2018 08:27 PM

Isang ginang na tinamaan ng bala sa binti ang sinaklolohan ng kaniyang mga kapwa magsasaka matapos magpaputok ng baril ang isang lalaki sa kalagitnaan ng kilos-protesta. Kuha ni Rosemarie Alcaraz

Sugatan ang dalawang babaeng magsasaka matapos tamaan ng bala ng tauhan ng negosyanteng umookupa sa pinag-aawayang lupain sa Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija nitong Miyerkoles ng umaga.

Nasa kalagitnaan ng kilos-protesta ang mga magsasaka at binabaklas ang bakuran ng lupain nang biglang lumabas at mamaril ang naturang tauhan. 

Tinamaan ng bala sa binti ang 65 anyos na si Virginia Galapon. Nadaplisan din ang babaeng kinilalang si Maria Fe Magbanua. 

Naisugod agad sa pagamutan ang dalawang natamaan ng bala at kasalukuyang nagpapagaling. 

Dalawa ang naaresto ng mga rumespondeng pulis. 

“Nadakip na namin ang mga lalaki sa isang bahay, pati ang baril nila,” ani Chief Inspector Abraham Atencio, hepe ng Sto. Domingo police.

Todo-tanggi naman ang isa sa dalawang lalaking hinuli. Wala raw siyang kinalaman sa pamamaril pero inamin nitong tinaboy niya ang mga magsasaka.
 
“Itutumba kasi nila ang mga poste,” dahilan ng lalaki.
 
Ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid ng Gitnang Luson (AMGL),
parte ang kanilang hinihinging lupain sa higit 70 ektaryang nakapaloob sa Land Reform Program.

"Itong lupang ito naging bahagi na ng land reform ng government. 'Yung mga magsasaka na nagsasaka dito sila ay mga CLT (Certificate of Land Transfer) holder na," giit ni Arnie Gallardo ng AMGL-Nueva Ecija.

Una na umanong naipamahagi ang higit 60 ektarya at kinukuha lamang nila ang natitira.

Samantala, bukod sa dalawang nahuli, tatlo pang lalaki ang pinaghahanap ng awtoridad na mahaharap sa kasong frustrated murder at paglabag sa Commission on Elections (Comelec) gun ban. 

Nakikipag-ungnayan na rin ang pulisya sa negosyanteng umaangkin sa lupa. 

‎--Ulat ni Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.