(UPDATE) Inanunsiyo ngayong Martes ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na extended ang SIM registration matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Siyamnapung araw ang ibinigay na extension mula sa unang deadline sana sa Miyerkoles.
Ayon sa DICT, sa 168 milyon na SIM cards, 100 milyon lang ang inaasahan nilang mairehistro dahil disposable SIMs na ang natitirang bilang.
Sa datos ng kagawaran, nasa 87 milyon SIM cards na ang rehistrado kaya 20 milyon SIMs na lang ang hinihintay.
Ipinagkibit-balikat lang din ng DICT ang mga reklamo sa kakulangan sa valid ID at problema sa connectivity ng mga hindi makakapagrehistro.
"We were just hitting 100,000 to 200,000 per day. Because we did not decide on an extension, the past two weeks we were hitting 1 million registrants per day. Matitigas lang talaga ang ulo ng ating mga kababayan they always want last minute," ani DICT Secretary Ivan John Uy.
Pero kahit pinalawig ang deadline, nagbabala ang DICT sa posibilidad na limitahan ang serbisyong makukuha ng subscribers na hindi pa naka-register.
"We're seeing 30 days or 60 days into registration, we will start deactivating some services on the SIM card," Uy.
Sa pahayag ng Smart Communications, bagaman mabibigyan ng panahon ang kanilang subscribers para sa SIM registration, mahihirapan umano silang ipatupad ang gradual deactivation.
Ayon naman sa GCash, mabusisi ang paglipat ng e-wallet account sa bagong SIM kaya dapat mag-register na agad para makaiwas sa abala.
Puwede na rin umanong mag-register ng SIM gamit ang GCash app.
Para kay Sen. Grace Poe, na sumulat ng SIM Registration Act, dapat magdoble-kayod ang National Telecommunications Commission at mga telco para maabot ang mga subscriber sa malalayong lugar, tulad sa Bangsamoro region.
Huling pagkakataon na rin ang extension period para kay Sen. Koko Pimentel kaya dapat na itong samantalahin ng publiko.
— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.