PatrolPH

Residential area sa Makati, nasunog

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2023 07:56 PM

MAYNILA -- Aabot sa halos 300 pamilya ang naapektuhan matapos tupukin ng apoy ang nasa 70 bahay sa Aguilar Street, Barangay Tejeros, Makati City.

Ayon kay Makati City Fire Marshall Supt. Anthony Arroyo, nagsimula ang sunog bago mag alas sinco ng hapon.

Umabot ang sunog sa ikatlong alarma bago naideklarang fireout ng 5:52 p.m.

Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa kahoy ang magkakatabing bahay.

"Sobrang light na kahoy, mga plywood... Sa init din ng panahon at sa tulong ng hangin ay mabilis itong kumalat sa looban at sa looban hindi namin basta batas mapasok dahil eskinita. Tao lang ang puwese dumaan, hindi pa puwese dumaan sa eskinita, sa bubong kami dumaan sa pamamagitan ng hagdan," ayon kay Arroyo.

Itinaas din umano agad sa ikatlong alarma ang sunog upang matiyak na makakakuha ng sapat na suplay ng tubig mula sa mga rumespondeng bumbero.

"Dahil mainit ang panahon, itinaas natin ang alarma dahil in every 3 minutes nagkakaroon ng flush over sa pagresponde namin. Kaya umabot sa 3rd alarm pagkalipas ng anim na minuto para continuous ang supply ng tubig dahil naghihihos din tayo sa tubig sa kasalukuyan. Pero never the less, sa loob ng isang oras, naagapan naman agad," ayon kay Arroyo.

Aabot sa isang milyong piso ang naging pinsala sa ari-arian ayon sa BFP. Iniimbestigahan pa rin ang sanhi ng sunog.

Walang naiulat na nasaktan sa insidente.

Nakiusap naman si Arroyo sa publiko na doblehin ang pag-iingat lalo na ngayon at nagbabadya ang El Niño.

"Kahit sirang plaka na kami sa paulit-ulit namin sa mga simpleng fire safety tips, ang aming pakiusap talagang ito ay isapuso at isapamuhay ng ating mga komunidad lalo na ngayon na medyo kailangan natin ng tubig sa pag-apula," paalala ni Arroyo.

Residential area, tinupok ng apoy sa Brgy. Tejeros, Makati City. Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.