Dating DFA chief Albert del Rosario, inihatid na sa kanyang huling hantungan
MAYNILA — Inihatid ngayong Martes sa kaniyang huling hantungan si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Alas-9 ng umaga nagdaos ng pribadong funeral mass sa Santuario de San Antonio sa Forbes Park Makati City, na dinaluhan ng mga kaanak, kaibigan at katrabaho ni Del Rosario.
Kabilang sa mga dumalo sa misa sina dating Senador Franklin Drilon, dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, mga ambassador at ilan pang mga nakasama ni Del Rosario dati sa Gabinete.
Ayon kay Carpio, isa sa naaalala niya kay Del Rosario ay nang sumulat ito sa Malacañang matapos hindi isama sa listahan si Carpio sa delegasyon ng bansa sa The Hague.
Mahalaga ang naging papel ni Del Rosario sa pagsampa at pagkapanalo ng maritime case ng Pilipinas laban sa Tsina sa International Arbitration Court kaugnay sa Scarborough Shoal at West Philippine Sea.
"He's gone but his spirit, his advocacy lives on and we will carry on we will shoulder on," ani Carpio.
"We will continue to defend the West Philippine Sea, our maritime zone to the best that we can," dagdag niya.
Matapos naman ang misa, nagpasalamat ang pamilya Del Rosario sa lahat ng nagpaabot ng pakikiramay sa kanila, lalo na sa mga tao ng DFA na itinuring umano ni Del Rosario na "smartest people."
Ang Philippine Marines ang nagsilbing pall bearer.
Ang watawat na nakapatong sa kabaong ni del Rosario ay itinupi at iniabot sa biyuda niya bago tumulak papuntang Heritage Park para i-cremate ang labi ng dating kalihim.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.