PatrolPH

Pagtuturok ng 2nd COVID booster sa mga immunocompromised umarangkada

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2022 01:18 PM | Updated as of Apr 25 2022 07:09 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Sinimulan ngayong Lunes ang pagbibigay ng ikalawang booster shot kontra COVID-19 sa mga immunocompromised na indibidwal.

Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nasa 690,000 ang immunocompromised na adult na puwedeng makatanggap ng kanilang ikalawang booster shot.

Pasok sa maaaring makatanggap ng ikalawang booster ang isang tao kung siya ay:

  • May immunodeficiency
  • May HIV
  • Cancer patient (active)
  • Sumailalim sa organ transplant 
  • Pasyenteng umiinom ng immunosuppressive drugs
  • Bedridden na pasyente o may terminal illness

Kailangan ay hindi bababa sa 3 buwan ang pagitan ng una at ikalawang booster.

Puwede umanong mamili ang mga magpapaturok ng vaccine mula sa produktong gawa ng AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinovac o Sinopharm para sa kanilang ikalawang booster.

Pinapayagan umanong i-administer ang ikalawang booster sa mga regular na vaccination site, medical at physician clinic, ospital, o HIV treatment hubs. Puwede rin itong ibigay sa pamamagitan ng house-to-house.

Pinapayuhan ang mga interesadong magpa-second booster na makipag-ugnayan sa kanilang local government unit o health facility.

Sa mga magpapaturok, kailangan lang dalhin ang vaccine card, valid ID at medical certificate.

Sa Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan, umabot hanggang tanghali sa 90 indibidwal ang nakatanggap ng ikalawang booster shot.

Pero hindi lahat sa mga ito ay immunocompromised kundi may mga health workers din.

Ipinaliwanag ng hospital director na si Alfonso Famaran Jr. na iilan lang kasi ang immunocompromised na nagpabakuna ngayong Lunes.

"Sa area na ito, ang numbers ng immunocompromised, kakaunti lang. Maraming vaccines ang ibinigay so we have no choice but to extend the vaccination to non-immunocompromised population, para hindi lang ho masayang 'yong vaccines," ani Famaran.

Sa ngayon, para lang sa immunocompromised na edad 18 pataas ang inaprubahan ng DOH na mabakunahan ng ikalawang booster.

Hinihintay pa ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council kaugnayy ng ikalawang booster para sa health workers at senior citizen na hindi immunocompromised.

Pero ayon kay DOH-National Capital Region Assistant Director Aleli Sudiacal, naaprubahan naman na ng Food and Drug Administration ang pagbibigay ng ikalawang booster sa health workers at senior citizens.

"We all know they will be the ones next in line after this round. I think we can give some leeway to that, kasi ang ating healthcare workers naman po ay talagang priority," ani Sudiacal.

Sa Valenzuela, hinimok ng Valenzuela Medical Center (VMC) ang mga immunocompromised na tanggapin na ang kanilang ikalawang booster shot.

Kung walang medical certificate ang magpapaturok, puwede itong kuhanin sa ospital, sabi ni Dr. Mimfa Putong ng VMC.

"Welcome po sa ating mga doctors [na] sila po ay ie-entertain para po i-check kung sila ay immunocompromised host at puwedeng isyuhan ng medical certificate," ani Patuong. 

Sa Makati City, 4 na barangay health center ang nagsimulang mag-rollout ng ikalawang booster. 

— May ulat nina Vivienne Gulla at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.