PatrolPH

Higit 64,000 trabaho alok sa Labor Day job fair ng DOLE

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2022 08:03 PM

Higit 64,000 trabaho ang alok sa job fair na idaraos ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Mayo 1, kasabay ng paggunita sa Labor Day. 

Ayon sa DOLE, nasa 64,485 ang kabuuang bilang ng job vacancies na alok ng 641 employer.

Sa bilang na iyon, 52,237 ang local employment habang 12,248 ang overseas employment.

Pagdating sa local employment, kabilang sa mga top vacancy ang trabahong production operator o machine operator, customer service representative, collection specialist, retail o sales agent o promodizer, at market research interviewer.

Kabilang naman sa nangugunang overseas vacancies ang pagiging nurse o nursing aide, waiter, food server, household service worker, kitchen helper o assistant cook at salesperson sa mga bansang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Germany, Poland, UK, Japan, Taiwan at Singapore.

May 24 lugar kung saan idaraos ang job fair pero ang main site ay sa Kingsborough Convention Center sa San Fernando, Pampanga.

Puwedeng personal na magpunta ang mga aplikante sa job fair site pero puwede ring mag-apply online.

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.