‘Pinahabol sa aso, minumura’: Social workers idinetalye ang karanasan sa COVID-19 crisis

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2020 04:49 PM | Updated as of Apr 25 2020 07:40 PM

Ayon sa social worker na ayaw magpapangalan, pinagbantaan umano siya ng isang residente kung hindi ito makakatanggap ng ayuda. ABS-CBN News

MAYNILA—Suot ang face mask na tanging panangga sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), pinapasok ng social worker na si Georgia Erie ang mga barangay at eskinita sa Pasay City.

Pero ibang proteksyon pala ang kakailanganin ni Erie sa pagbisita sa isang barangay para mag-verify ng mga makatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.

Noong nakaraang linggo kasi, ipinahabol sila sa mga aso ng isang residente na nagalit nang malaman na hindi kasama ang kaniyang pamilya sa listahan.

“May tao kasi sa taas, ang ginawa pinababa yung aso. Hindi ka nga magkaka-COVID, baka mamaya, magkakatetano ka naman,” ani Erie.

Agad namang kinausap ng kasamahang pulis ang residente na papasukin sa bahay ang mga aso.

Idinetalye rin ng isang social worker, na hindi nagpapangalan, na pinagbantaan siya ng isang residente kung hindi siya makakatanggap ng ayuda.

“Ang isinisigaw niya, ‘Humanda kayo sa akin ’pag hindi ako napasama diyan sa programa na ’yan.’ Ang kasama lang namin ay barangay health worker, hindi siya maawat,” aniya.

Nagmadaling pumunta ang social worker sa barangay para humingi ng tulong sa kapitan, na tumawag naman ng pulis.

Ipinatawag sa barangay ang residente na pagkatapos mapaliwanagan ay humingi rin ng dispensa.

Minumura rin umano si Rosalinda Orbia, na namumuno sa social welfare and development department ng Pasay, dahil sa umano’y mabagal na pamamahagi ng emergency cash subsidy sa kanilang siyudad.

"May mga sinabi pa siya na nasaan ‘yung mga pera ng tao, P.I. mo, baka ibinulsa mo na,” ani Orbia.

Dahil dito, may apela ang Department of Social Welfare and Development sa publiko.

“Kami po ay nakikiusap sa ating mga kababayan na huwag magalit, kundi ay bigyan ng tiwala at pang-unawa ang ating mga frontliners na ang nais lamang ay maipahatid ang mga benepisyo ng SAP sa mga nangangailangan,” ani DSWD undersecretary Rene Paje.

Payo niya rin sa social workers na habaan pa ang pasensiya at pang-unawa.

Handa naman magbigay ng proteksyon sa social workers na magbibigay ng social amelioration ang Philippine National Police.

“Kapag in the course of their function ay mayroon pong nambastos sa kanila o nagbanta ay kaagad na maaaring aksyunan ng PNP ‘yan,” ani PNP spokesman Bernard Banac.

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.