Pahayag na ‘self-defense’ ang nangyari sa Ragos slay, binatikos ng naulilang kaanak

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2020 07:39 PM | Updated as of Apr 25 2020 08:41 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Kinondena ng kaanak ni Winston Ragos, ang dating sundalo na binaril sa checkpoint sa Quezon City, ang pahayag na "self-defense ang pamamaril sa kaniya.

Kasunod ito ng ilang pahayag ng pulisya na dinepensahan lang ng nasangkot na pulis ang kaniyang sarili sa paniniwalang may hawak na armas si Ragos.

"Paano magiging self-defense 'yon. Ang self-defense 'yung sinasaktan. Nananakit ba siya?" ani Leopoldo Ragos, kapatid ng biktima.

Maaalalang namatay si Ragos, isang retired member ng Phiilippine Army, nang barilin ng pulisya sa Barangay Pasong Putik. Sinabi ng pulisya na pinagbantaan at sinigawan umano sila ni Ragos at tumangging umuwi; sinabi rin nilang nakakita sila ng baril sa bag nito.

Kinumpirma ng Philippine Army na nabigyan ng disability discharge si Ragos, na may post-traumatic stress disorder matapos magsilbi sa gitna ng Marawi siege.

Sa panayam sa ABS-CBN News Channel noong Huwebes, sinabi ni PNP Joint Task Force Corona Virus chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar na tingin niyang "self-defense" at judgment call ng pulisya ang nangyaring pamamaril.

Binigyan ng full military honors si Ragos, na nakatakdang ilibing sa Linggo. Binigyan din siya ng seremonya sa Libingan ng Mga Bayani.

Iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation ang insidente. Samantala, tumangging magbigay ng panig si Police Master Sgt. Daniel Florendo Jr., ang bumaril umano kay Ragos.

Kumpiyansa sina Leopoldo na makakamit ng kapatid ang hustisya.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.