Nurse na nagsilbi kahit buntis sa kambal, umapela matapos mamatay ang 1 sa sanggol

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2020 06:30 PM | Updated as of Apr 25 2020 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA--Hindi mapigilan ng nurse na si Laarnie Delizo na mapaiyak tuwing inaayos ang damit ng kaniyang mga sanggol. 

Maraming pangarap kasi ang nabuo nang binili niya ang mga ito. 

Nagdadalantao si Delizo sa kambal nang pumutok ang banta sa coronavirus disease 2019. 

Pero dahil understaffed ang pinagtatrabahuan niyang ospital, nagpatuloy pa rin siya sa serbisyo hanggang Marso. 

Dahil sa mataas na blood pressure, kinailangan na niyang mag-leave sa trabaho. 

“January, March ang dami nang pasyente so hindi naman pwede sabihin na, ‘Ay hindi ako papasok kasi baka mahawa ako niyan,’ ” ani Delizo. 

Noong Abril 18, nakitang walang heartbeat ang isa sa kambal na nasa kaniyang sinapupunan, dahilan para sumailalim sa emergency caesarian section. 

Sa kasamaang palad, binawian ng buhay ang isa sa mga kambal, habang nag-aagaw-buhay ang isa pang anak sa ospital. 

“Sabi ng OB ko kailangan na talaga tanggalin, kailangan na talagang lumabas sila kahit na ’yung isang baby ko OK naman siya, maganda ’yung heartbeat niya pero kasi ’yung isa hindi. Bigla na lang nawala,” aniya. 

Noong Biyernes, inilibing na ang namatay na kambal na si Camilla. Masakit man, naniniwala siyang may anghel na sila sa buhay. 

Habang ang kakambal na lalaki na si baby Bernie, nasa intensive care unit ng ospital. 

Dahil 30 weeks lang ang sanggol, humihinga siya gamit ang ventilator at lumalaban sa respiratory distress syndrome. 

Gustuhin man, hindi pa makabalik si Delizo sa trabaho. Ang asawa namang si Rick, hindi pa rin maka-apply. 

“Sa ngayon kasi ako ay nag-a-apply. ’Yung processing ngayon ng application ay nahinto, kahit na gusto ko magkatrabaho sa ngayon, wala akong magawa,” aniya. 

Kaya ngayon, umaapela siya ng tulong para mailaban nila ang buhay ng anak. 

“Hindi ko inisip na magiging ganito ’yung sitwasyon. Bilang frontliner, gusto ko naman humingi ng tulong sa mga tao na, siguro kung naiintindihan niyo ’yung sitwasyon ko bilang frontliner hindi naman kasi malaki ang sahod ng nurse,” ani Delizo. 

Pinayuhan na raw ng Department of Health ang mag-asawa na lumipat sa government hospital kung papayagan ng doktor. 

Umaabot na kasi ng P10,000 ang bill kada araw, pero pangamba ni Delizo na hindi kakayanin ng sanggol ang biyahe. 

Nakipag-ugnayan na rin ang mag-asawa sa Department of Social Welfare and Development, sa tulong ng opisina ni Senator Richard Gordon. 

Sa mga nais tumulong sa mag-asawa, maaaring mag-text o tumawag sa kanilang mga numero sa: 0961-2693590 o 0936-9011851. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.