‘Hard lockdown’ sa Sampaloc natapos na; mga inaresto, umabot sa 157

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2020 10:12 PM

MAYNILA--Natapos na ang dalawang araw na total lockdown sa distrito ng Sampaloc sa lungsod na ito alas 8 ng gabi nitong Sabado.

Ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, hepe ng Sampaloc Police Station, walang naitalang untoward incident mula nang mahigpit ipatupad ang lockdown noong alas 8 ng gabi Huwebes.

Pero umabot sa 157 ang hinuling lumabag sa total lockdown habang 34 ang sinagip, kabilang ang 13 menor de edad at 21 street dwellers.

Umabot naman sa higit 60 residente ang sumailalim sa swab test, habang mahigit 200 ang nabigyan ng rapid antibody test.

Ipinag-utos ni Manila Mayor isko Moreno ang total lockdown sa Sampaloc dahil sa dami ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa naturang distrito. 

Sa pinakahuling ulat ng Manila health department, may 124 kumpirmadong kaso habang 161 ang suspected cases ang Sampaloc.--Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.