7 bagong kaso ng COVID-19, kabilang ang 1 sanggol, naitala sa Baguio

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2020 05:04 PM | Updated as of Apr 25 2020 08:48 PM

BAGUIO CITY (UPDATE)—Kinompirma ng pamahalaang panlungsod dito na pitong panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala Sabado.

Sa mga bagong kaso, apat ay health workers ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC), isa ay overseas Filipino workers mula Estados Unidos, isa ay empleyado ng hotel, at ang isa ay bagong silang na sanggol na itinuturing pinakabatang COVID-19 patient sa Cordillera region.

Nagsasagawa na ng contact tracing at naghahanda ang BGHMC para sa testing ng kanilang mga staff.

Nagkakaroon na rin ng disinfection sa hospital wards at nag-abiso rin sila na hindi muna tatanggap ng mga pasyenteng magpapa-admit sa ospital.

Nakikipag-ugnayan na ang BGHMC sa ibang ospital sa lungsod para rito.

Ang BGHMC ang tanging subnational laboratory sa Hilagang Luzon na nagsasagawa ng COVID-19 testing. Itinalaga rin itong referral hospital para sa mga kaso ng COVD-19 sa lungsod.

Bago ito, dalawang nurse na ng BGHMC ang nagpositibo sa COVID-19 at kasalukuyang naka-admit sa ospital.

Isasailalim sa lockdown ang mga barangay kung saan nakatira ang mga nagpositibong kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.